Naniniwala ang Canadian-American actress na si Pamela Anderson na masaya ang kanyang pamilya at mga kaibigan sa muling pagpapakasal niya sa ika-limang pagkakataon.
Nabatid na tanging sila lang ng kanyang bodyguard na si Dan Hayhurst ang nasa seremonya ng pag-iisang dibdib na idinaos nitong nagdaang bisperas ng Pasko sa bahay ni Pam sa Vancouver Island.
Ayon sa 53-year-old Baywatch star, dama nito na nasa tamang landas siya sa piling ng lalaki na talagang mahal siya.
“I am in love. We were married Christmas Eve with both our families’ blessing, everyone we know is happy for us. I was married on the property I bought from my grandparents 25 years ago, this is where my parents were married and they are still together. I feel like I’ve come full circle,” saad ni Anderson.
Nagkahulugan ng loob ang dalawa dahil 24/7 na kasama ni Anderson ang kanyang bodyguard sa kasagsagan ng lockdown sa Canada noong nakaraang taon.
Noong nakaraang taon lang din nang maging kontrobersyal ang kasal ng Baywatch babe sa isang producer na nauwi lang sa hiwalayan matapos ang dalawang linggo. (OMG)