-- Advertisements --

Muling tumaas ngayon sa mahigit 5,000 ang mga bagong dinapuan ng coronavirus sa Pilipinas samantalang nitong nakalipas na Martes ay mahigit sa 3,000.

Sa latest report ngayon ng Department of Health (DOH), nakapagtala sila ng 5,310 na mga karagdagang kaso ng COVID-19 sa bansa.

Dahil dito ang kabuuang COVID cases sa Pilipinas mula noong nakaraang taon ay nasa 1,193,976 na.

Marami rin naman ang gumaling na umaabot sa 7,408.

Ang kabuuang gumaling sa bansa ay nasa 94.5% o katumbas yan ng 1,127,770.

Meron naman ngayong aktibong mga kaso sa Pilipinas na nasa 46,037.

Sa kabila nito, may nadagdag na 150 na pumanaw bunsod ng deadly virus.

Kasabay nito nagpaliwanag ang DOH na merong 86 na mga kaso na dati ay nasa listahan ng recoveries ay natukoy na pawang pumanaw na pala matapos ang final validation.

Ang death toll ngayon sa bansa ay nasa 20,169 na.

Nilinaw naman ng DOH na mayroong apat laboratoryo na hindi nakapagsumite ng datos sa COVID-19 Document Repository System (CDRS).

“All labs were operational on May 24, 2021 while 4 labs were not able to submit their data to the COVID-19 Document Repository System (CDRS). Based on data in the last 14 days, the 4 non-reporting labs contribute, on average, 1.1% of samples tested and 1.7% of positive individuals,” ani DOH sa statement.