DAGUPAN CITY – Tinatayang nasa 54,000 na tobacco farmers ang posibleng mawalan ng trabaho at pangkabuhayan sa mga susunod na taon.
Ito ang binigyang diin ni Bernard Vicente, presidente ng National Federation of Tobacco Farmers and Cooperatives, sa eksklusibong panayam ng Bombo Radyo Dagupan.
Una rito, isinusulong sa Senado ang planong pagtaas ng buwis sa mga sigarilyo kung saan, maaaring abutin ng P60 ang buwis sa kada kaha nito.
Ayon naman kay Vicente, naiintindihan umano ng kanilang grupo ang kagustuhan ng ilang mga opisyales na mabawasan ang bilang ng mga Pilipinong naninigarilyo.
Ngunit dapat din umano sanang tignan at isaalang alang ng mga ito ang epekto sa mga mahihirap na magsasaka na umaasa na lamang sa pagtatanim ng tabako.
Inamin din ni Vicente na sa ngayon ay hirap na sila sa kanilang sakahan at negosyo dahil sa biglaang pagbaba ng demand ng tabako, at idagdag pa aniya ang sobrang taas ng buwis na ipinapataw dito.
Mula kasi nang umpisahan ng gobyerno ang pagpapaigting ng pagbubuwis ng mataas sa alak at sigarilyo, mula P2.72 kada pakete noong 2012 ang buwis sa sigarilyo ay umabot na ito ngayon sa P35 kada pakete na taon taon ay tumataas pa.
Sa ngayon, nakabinbin pa sa Senado ang Senate Bill 1599 na may layuning itaas sa P60 ang P30 na tax sa sigarilyo gayundin ang Senate Bill 1605 na nagsusulong na itaas ang tax sa P90.