-- Advertisements --

Tiwala ang National Task Force Against COVID-19 (NTF) na maaabot ang target na makumpletong mabakunahan kontra COVID-19 ang 54 million Pilipino dahil mas maraming mga bakuna pa ang inaasahang darating sa bansa sa buwan ng Disyembre.

Batay sa latest data mula sa National COVID-19 vaccination dashboard, umaabot na sa kabuuang mahigit 72.7 million doses ng vaccines ang na-administer o naiturok na sa eligible population sa bansa kung saan 40.1 million doses ang naibigay na para sa first dose at 32.5 million naman sa second dose.

Ayon kay NTF head of strategic communications on current operations, Assistant Secretary Wilben Mayor, target nila sa katapusan ng Nobyembre na maturukan ng first dose ang nasa 54 million Pilipino at dapat aniya na fully vaccinated na ang 54 million Pilipino pagsapit ng katapusan ng taon.

Samantala, iniulat din ni Asec. Mayor na umaabot na sa 2,488 healthcare workers ang nabakunahan na ng booster doses sa unang araw ng implementasyon nito.

Target ng pamahalaan na makunpletong mabakunahan ng booster dose ang nasa 1.6 million healthcare workers sa buong bansa sa katapusan ng Nobyembre saka isusunod ang ibang priority group.

Kasalukuyang bumubuo na ng guidelines ang National Vaccine Operations Center para sa pagtuturok ng booster dose sa mga senior citizens, immunocompromised at mga indibidwal na may comorbidities kung saan target na 5 million ang mabigyan ng booster doses sa mga senior citizen at 7.6 million naman para sa person with comorbidities.