Pormal nang nag-withdraw ng suporta sa Communist Terrorist Group ang 54 na miyembro ng progresibong grupong Alyansa ng Magbubukid sa Gitnang Luzon.
Ito ay kasunod ng idinaos na isang seremonya sa Barangay Balete, Tarlac City na pinangasiwaan at sinaksihan ng Philippine Army 3rd Mechanized Infantry Battalion at 702nd Brigade, katuwang ang Philippine National Police – Tarlac, at iba pang ahensya ng pamahalaan kabilang na ang Provincial Task Force to End Local Communist and Armed Conflict.
Sa naturang pagtitipon ay lumagda ang mga miyembro ng nasabing grupo sa Peace Covenant, kasabay nito ay sinunog din ng mga ito ang flag ng CPP-NPA-NDF bilang bahagi ng kanilang pamamaraan ng pagbawi ng suporta sa naturang komunistang teroristang grupo.
Ang pagdaraos ng aktibidad na ito ay sumasalamin sa muling pagbabalik-loob at buong suporta ng mga ito sa ating pamahalaan.
Kasunod nito ay pormal nang magiging bahagi ng Malayang Magbubukid ng Hacienda Luisita ang 54 mga magsasaka na bumawi ng suporta naturang komunistang grupo.
Ang Malayang Magbubukid ng Hacienda Luisita ay isang organisasyon at kooperatiba na binubuo ng mga dating taga-suporta at miyembro ng communist terrorist group sa Tarlac.