Lubog pa rin sa baha ang nasa 55 barangay sa lalawigan ng Pampanga sa walong bayan dahil sa malakas na pag-ulan na sinabayan pa ng high tides ayon sa Provincial Disaster Risk Reduction and Management Council (PDRRMC).
Base sa report mula sa Pampanga River Flood Forecasting and Warning Center, patuloy pa rin ang pag-agos ng tubig na nagmumula sa Pampanga River na lagpas sa alarm levels sa monitoring stations downstream ng Arayat na nasa 7.34 meters na ang taas at sa Candaba naman ay nasa 4.61 meters na nitong umaga ng Lunes, Oktubre 31.
Nasa alert levels din ang nalalabi pang mga lugar.
Sa ngayon nasa mahigit 1,700 katao o 481 pamilya mula sa 20 barangay sa Lubao, Macabebe, Sasmuan, Arayat, at Masantol ang nananatili sa mga evacuatiom centers.
Bunsod naman ng malakas na hangin nasira ang nasa 10 kabahayan at bahagyang napinsala naman ang 11 pang kabahayan.
Nakapagtala din ang Pampanga PDRRMO ng pinsala na nagkakahalaga ng P51.8 million sa bigas at P132,000 halaga naman ng mais.