Nasa kabuuang 55 wanted criminals ang natimbog ng mga tauhan ng Philippine National Police Criminal Investigation and Detection Group sa loob ng 24-oras.
Sa kasagsagan ito ng ikinasang one-day manhunt operation ng PNP-CIDG na bahagi ng kanilang Flagship project na OPLAN “Pagtugis” na layuning maaresto ang mga wanted na mga indibidwal at labanan ang kriminalidad na nagresulta naman sa pagkakahuli sa naturang mga notorious na mga kriminal.
Sa datos, kabilang sa mga naarestong Most Wanted Persons ay Isa mula sa National Level, lima mula sa Regional Level, apat sa Provincial Level, apat mula sa Municipal Level, habang 41 naman ang nahuli na kabilang sa kategoryang Other Wanted Persons.
Samantala, sa ngayon ay nasa kustodiya na ng mga arresting CIDG units ang naturang mga suspek para sumailalim sa kaukulang dokumentasyon at disposisyon.
Ang tagumpay na ito sa hanay ng kapulisan ay pinuri naman ni PNP Chief PGen. Rommel Francisco Marbil kung saan sinabi rin niya na ang operasyong ito ay patunay lamang ng determinasyon at dedikasyon ng PNP-CIDG na mapanatili ang kaayusan at kaligtasan ng ating komunidad.
Bukod dito ay nagsisilbi rin aniya itong babala sa mga pilit na nagtatago at lumalabag sa batas na wala nang matatagpuan pa ang mga ito, kasabay ng paghikayat sa taumbayan na maging mulat at magbahagi rin ng anumang impormasyon sa pulisya na makakatulong para matugis ang mga kriminal.