(Update) BUTUAN CITY – Matagumpay na nailigtas ng mga tauhan ng Philippine Coast Guard (PCG) Surigao City ang 56 na mga pasahero at pitong mga tripulante ng isang passenger ferry boat nang ito ay mabutas matapos tumama sa isang floating log.
Ayon kay Chief Petty Officer Jeoffrey Monta, deputy station commander ng PCG-Surigao City sa eksklusibong panayam ng Bombo Radyo Butuan, nabali ang propeller at shaft ng ferry boat na MB Gracemarc 4 ngunit na-maneuver ito ni ship captain Bernie Bestresa patungong Raza Island gamit ang reserbang makina.
Mula pa sa bayan ng Cagdianao sa Dinagat Islands province ang bangka at patungo sanang mainland Surigao nang maganap ang insidente.
Kaagad silang nagpadala ng mga rescuers at nag-hire ng dalawang mga motorbanca na tumulong sa pag-rescue sa lahat ng mga pasahero na agad namang nailigtas at nadala sa Surigao City.
Ang MB Gracemarc 4 ay pag-aari at ino-operate ni Elfe Longos ng Cagdianao, Dinagat Islands at may capacity na 93 mga pasahero.