Nasa 56 na mga indibidwal na nag-apply ng Police Clearance ang inaresto “on the spot” ng PNP matapos na matuklasang mga “wanted” pala ang mga ito na nahaharap sa iba’t ibang kaso.
Ayon kay PNP Chief PGen. Debold Sinas, ang mga National Police Clearance desks sa iba’t ibang panig ng bansa ay naka-link sa isang data-base na may kumpletong listahan at larawan ng mga pinaghahanap ng batas, kung saan naka-record ang kanilang buong pangalan, address, criminal case number at maging ang kanilang finger print.
Kapag aniya ipinasok ang pangalan ng aplikante sa nasabing system ay agad malalaman kung ito ay may outstanding warrant o kapangalan lang ng wanted na kriminal.
Sinabi ni Sinas, 55 ang naaresto noong nakaraang taon matapos na mag-apply sa iba’t ibang National Police Clearance desks sa iba’t ibang panig ng bansa, habang isa naman ang naaresto nito lamang buwan ng Pebrero.
Ayon kay Directorate for Investigation and Detective Management (DIDM) Director, PMGen. Marni Marcos Jr. ang huling inaresto ay isang taga-Bulacan na nag-apply ng police clearance sa Ormoc nitong Pebrero 19.
Ayon kay Marcos, dahil sa kanilang bagong sistema kahit saang sulok ng bansa magtago ang isang kriminal, madarakip sila agad sa oras na mag-apply sila ng Police clearance.