Humantong sa pagkasawi ng nasa 57 katao kabilang ang 7 bata at 58 naman ang sugatan sa naganap na suicide bombing sa dalawang mosque sa Pakistan habang idinaraos ng mananampalataya ang kaarawan ni Propeta Muhammad ayon sa report mula sa police at health officials.
Ayon sa mga nakasaksi sa trahedya, sumisigaw ng tulong ang mga sugatang biktima sa pagsabog, nasa 25 katao ang on the spot na nasawi nang mangyari ang insidente kabilang ang maliliit na bata at puspusan ang paghahanap ng mga tao ng kanilang mga mahal sa buhay.
Nangyari ang unang pagsabog sa Mastung sa southwestern province ng Balochistan kung saan pinasabog ng salarin ang bomba malapit sa isang police vehicle kung saan nagtipun-tipon ang mga tao para sa prusisyon.
Ang ikalawang pag-atake suicide bombing naman ay nangyari sa karatig nitong Khyber Pakhtunkhwa na ikinasawi ng 4 katao na nasa loob ng mosque habang 30 hanggang 40 katao ang na-trap sa mga nadurog na bato mula sa napinsalang mosque.
Samantala itinanggi naman ng Tehreek-e-Taliban Pakistan na sila ang responsable sa likod ng pambobomba.
Ang naturang grupo ay ang umbrella body ng Sunni Islamist groups at responsable sa ilang madugong pag-ateke sa Pakistan mula ng nabuo ito noong 2007.