Nadagdagan pa sa 62 ang bilang ng mga namatay sa Baybay City sa lalawigan ng Leyte dahil sa nangyaring landslide dulot nang pagdaan ng bagyong Agaton.
Ang naturang bilang ay nagmula sa pahayag ng City Disaster Risk Reduction and Management Office at ng PNP Region-8.
Liban nito, umakyat din ang bilang ng mga nawawala sa 140.
Una rito, kabilang sa mga lugar na tinamaan ng landslides ay ang Brgy Villa Solidaridad, Brgy Kan-ipa, Brgy Amguhan, Brgy Punta, Kantagnos, Bunga, mailhi, Maypatag, Bubon at Gacat.
Iniulat din naman ni Baybay City Mayor Jose Carlos na inilagay na aniya sa state of calamity ang lungsod.
Sa ngayon ay puspusan pa ang search and rescue operations sa lugar, habang humuhupa na rin ang mga pagbaha lalo na sa mga ilog.
Samantala sa report naman mula sa National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC) nasa 57 ang bilang ng mga nasawi.
Habang nagpapatuloy pa ang ginagawang pagberipika ng ahensiya sa mga kumpirmadong namatay sa iba pang mga lugar.
Sa kabilang dako tatlo naman ang naitalang mga nasawi sa Eastern Visayas habang isa naman ang namatay matapos na malunod sa may Motiong, Samar.