Ipinagmalaki ng Department of Education (DepEd) na mahigit na sa kalahati ang mga self-learning modules na handa na para sa distribusyon mahigit isang buwan bago ang nakatakdang pagbubukas ng klase sa Oktubre 5.
Sa isang virtual press briefing, sinabi ni DepEd Usec. Revsee Escobedo na 57% na raw ang mga modules na ready for distribution na batay sa report na natanggap nila mula sa kanilang mga regional offices.
Puspusan din aniya ang pag-imprenta sa mga modules sa kasalukuyan upang matapos ito sa takdang oras.
Patuloy naman ang kanilang koordinasyon ng kagawaran sa mga local government units upang mapabilis ang pamamahagi ng mga modules sa mga estudyante.
Sa kasalukuyan, walang tigil din aniya ang mga isinasagawang dry run ng mga paaralan bilang paghahanda sa ipatutupad na blended learning sa pasukan.
“We are hoping for a smooth and successful opening of classes on October 5,” wika ni Escobedo.
Sa kanilang datos ay aabot sa 47,000 ang mga paaralan sa buong bansa ang magbubukas ng kanilang mga klase sa Oktubre.