KALIBO, Aklan —- Patay ang isang 58-anyos na social worker matapos magbigti dahil sa matindi umanong depresyon sa Purok 3, Barangay Tinigao, Kalibo, Aklan.
Ang biktima na kinilalang si Evelyn Arboleda, isang guro sa daycare center ay natagpuang nakabitin sa loob ng kanyang kwarto bandang alas 7:00 ng umaga ng kanyang mister na si Arcenio Arboleda.
Nabatid na gabi na nang makauwi sa kanilang bahay mula sa inuman ang mister at kinaumagahan na nang mapansin ang ginawa pagpapakamatay ng misis.
Pinapaniwalaang na-depressed ang biktima simula noong araw ng Bagong Taon dahil hindi siya niyaya ng asawa sa kanyang pinuntahan.
Maliban dito, nagtampo rin umano ito nang hindi isinama sa pamimili ng prutas.
Samantala, sinabi naman ng kanyang panganay na anak na si Arvie na wala namang problema ang relasyon nilang magpamilya kaya malaking palaisipan sa kanila kung bakit nagawa ito ng kanilang ina.
Depression ang tinitingnang dahilan ng mga otoridad sa pagpapakamatay ng biktima batay sa salaysay ng kanyang mga kaanak.
Patuloy ang ginagawang imbestigasyon ng Kalibo Municipal Police Station sa naturang insidente.