-- Advertisements --

Tinatarget ngayon ng pamahalaan na makapag-accredit pa ng 58 karagdagang COVID-19 testing laboratories bago matapos ang kasalukuyang buwan.

Sa ngayon kasi ay nasa 22 laboratoryo sa buong bansa ang sinertipikahan ng Department of Health upang magsagawa ng real-time polymerase chain reaction (RT-PCR) testing para sa coronavirus.

Sa pulong ng Inter-Agency Task Force for the Management of Emerging Infectious Diseases kagabi, sinabi ni Bases Conversion and Development Authority president Vince Dizon na layon nilang magbukas ng nasa 78 laboratories sa Mayo 30, na ilalagay sa mga istratehikong lugar sa buong bansa.

Batay sa report ng DOH nitong Linggo, nasa kabuuang 58 na mga laboratoryo ang nasa stage 3 hanggang 5 ng accreditation process.

Sa ilalim ng stage 3, sasailalim ang mga hospital personnel sa training para sa coronavirus testing.

Tinawag naman bilang proficiency ang stage 4m habang ang stage 5 ang full scale implementation stage at ang punto kung kailang sertipikado na ang isang laboratory.

“We need to speed up the accreditation of these laboratories in order for them to begin operation within the month of May,” wika ni Dizon.

Binigyang-diin din ni Dizon, na siya ring deputy COVID-19 task force implementer, ang pangangailangan para sa mas agresibong testing, na tanging paraan para masimulan na ng gobyerno ang pagpapaluwag sa ipinatupad na lockdown restrictions.

Inihalimbawa rin ni Dizon ang mabilis na tugon ng mga gobyerno ng New Zealand, Korea, Vietnam, at Germany na nakakakita na ng positibong resulta sa kanilang laban sa pandemic.

“Germany is ahead, with 120,000 tests per day. Very, very aggressive at talagang gumastos sila nang todo-todo rito,” paglalahad pa ng opisyal.

“We need to really invest in the testing capacity also because we know that a vaccine is not forthcoming soon,” dagdag nito.

Noong Abril 28 nang ianunsyo ng DOH na kaya na ng Pilipinas na makapagsagawa ng hanggang mahigit 6,000 tests kada araw.

Sinabi na rin ng kagawaran na target nila ang 30,000 daily testing capacity bago sumapit ang huling araw ng Mayo.