-- Advertisements --
image 321

Maaari ng mabili sa mga merkado ang dumating sa bansa na unang batch mula sa mahigit 21,000 metrikong tonelada ng sibuyas na inangkat ayon sa anunsiyo ng Bureau of Plant Industry (BPI).

Sinabi ni BPI Information Section officer-in-charge Jose Diego Roxas na nasa 588 metric tons ng sibuyas ang nasa cold storage facilities na kung saan 218 MT dito ay dilaw na sibuyas habang nasa 370 MT naman ang pulang sibuyas.

Inasahan namang darating sa Enero 27 ang iba pang imported na sibuyas kasabay ng striktong pagpapatupad ng must-arrive deadline sa nasabing petsa dahil kung sakaling dumating ng lagpas sa deadline ay ipapabalik ang mga imported onions sa pinanggalingang bansa.

Habang ang mga importers naman aniya ay may karampatang penalty ayon na rin sa guidelines na ipinasa may kinalaman sa importasyon.

Inaasahang makakatanggap pa ang bansa ng nasa 4,412 MT ng imported na dilaw at pulang sibuyas bago ang deadline na itinakda ng agriculture department.

Kung maaalala, inaprubahan ng DA ang importasyon ng mahigit 21,000 MT ng sibuyas sa layong matugunan ang suplay gap at mapababa ang mataas na presyo ng sibuyas sa ating bansa.