Binigyan ng pagkakataon ang 59 mula sa 74 na katao karamihan ay pulis na kinasuhan kaugnay sa nakumpiskang 990-kilos ng shabu sa Manila noong Oktubre 2022 na may tinatayang street value na P6.7 bilion makapaghain ng kanilang counter-affidavits hanggang sa Mayo 30.
Noong huwebes, Abril 18 humarap ang 59 na respondents sa prosecutors ng Department of Justice para sa preliminary hearing kung saan binigyang ang mga ito ng kopiya ng mga reklamo.
Ang mga nabigong dumalo ayon sa DOJ ay bibigyan pa ng pagkakataon na humarap ng personal sa scheduled hearing sa Mayo 2.
Matatandaan na nag-ugat ang naturang reklamo mula sa findings na isinumite ng National Police Commission sa DOJ sa Fact-Finding Inquiry Report nito.
Nakasaad sa reports na inaresto si Police Master Sgt. Rodolfo Mayo Jr. na dating miyembro ng PNP-Drug Enforcement Group sa ikinasang operasyon sa lending agency na kaniyang pagmamay-ari sa Tondo noong Oktubre 9, 2022 at nasibak sa serbisyo kalaunan.
Subalit sinabi ni DILG Sec. Benhur Abalos na mayroong cover-up na nangyari sa mga police officials at officers na sangkot sa operasyon.
Nadiskubre din na hindi magkatugma ang report ng PNP-DEG sa isinagawang operasyon sa nakuhang CCTV footage.
Kabilang dito ayon kay Abalos ang CCTV footage kung saan makikitang naaresto na si Mayo sa operasyon noong Oct. 8, 2022 at hindi Oct. 9 , 2022 gaya ng inulat ng PNP-DEG.
Gayundin makikita sa CCTV footage na mayroong mga pulis na kasama sa operasyon ang nagtangkang nakawin ang 42 kilos ng shabu.