Nasa 59 na ang Pinoy crew members ng M/V Diamond Princess sa Yokohama, Japan na nagpositibo sa China COVID-19.
Isa rito ay gumaling na matapos ma-confine sa ospital sa Japan.
Sinabi ni DFA Assistant Sec. Ed Meñez, naitala ang bagong limang kaso nitong weekend.
Ayon naman kay Health Assistant Sec. Maria Rosario Vergeire, hinihintay pa ang resulta ng isinagawang test sa mga Pinoy crew members at posibleng bukas ito ilalabas.
Ito umano ang dahilan kaya naipagpaliban ang repatriation sa mga kababayan imbes na kahapon sana sila iuuwi.
Inihayag ni Asec. Vergeire na itinuturing nilang kritikal ang sitwasyon sa loob ng barko dahil sa patuloy na pagtatrabaho, posibleng na-expose na sila sa virus.
Kaya hindi pa raw nila masabi ang eksaktong bilang na maiuuwing Pinoy crew members, depende kung madagdagan pa ang bilang ng mga magpositibo.
Batay sa plano, mula sa Yokohama ay dadalhin ang mga kababayan sa Haneda Airport para dun sila isasakay ng chartered flight diretso ng Clark International Aiport.
Ang mga negatibo sa virus at walang sintomas ng respiratory illness ay idiretso sa Athlete’s Village sa New Clark City sa Tarlac para sa 14-day quarantine habang ang magpakita ng sintomas naman ay dadalhin sa natuloy ng isolation hospital.