-- Advertisements --

Target ng pamahalaan na makapagbakuna ng nasa limang milyong mga doses ng COVID-19 sa pagsasagawa ng third run ng malawakang vaccination drive “Bayanihan, Bakunahan” na gaganapin sa Pebrero 10 hanggang Prebrero 11.

Sinabi ni National Vaccination Operations Center (NVOC) co-lead and medical specialist, Dr. Kezia Rosario, na gagawing prayoridad ng gobyerno ang bakunahan sa mga lugar na may mabbang innoculation rates, lalo pagdating sa mga senior citizens at mga indibidwal na may comorbidities.

Magdadagdag pa aniya ng mga vaccination site, lalo na sa mga eco-zones, industrial parks, maging sa mga paaralan upang mahanap na rin daw nila ang mga indibidwal na may due na para sa booster doses.

Nagpatupad na rin ng iba’t-ibang mga alituntunin ang pamahalaan katuwang ang mga local government units (LGU) para naman sa ramp up ng mga booster vaccination.

Samantala, batay sa kanilang pinakahuling datos, nasa 59,419,295 na mga fully vaccinated na mga Pilipino, kabilang ang mga may single-shot na Janssen vaccine, habang nasa kabuuang 7,704,701 na ang nakatanggap na ng booster shot noong Pebrero 2.

Nasa 2,242 naman ang bilang ng mga nabakunahan ng booster doses sa “Resbakuna sa Botika at Klinika” program, na nilahukan ng ng private clinics at pharmacies.

Nakatakda na rin na ipatupad sa anim na Metro Manila sites sa darating na Pebrero 14 ang bakunahan para sa mga batang may edad 5 hanggang 11 taong gulang gamit ang reformulated Pfizer vaccine.