-- Advertisements --

CAUAYAN CITY – Kinondena ng pamunuan ng 5th Infantry Division Philippine Army sa Upi, Gamu, Isabela ang naganap na pagmamaltrato sa ilang kadete na humantong sa pagkamatay ni Cadet 4th Class Darwin Dormitorio ng Cagayan de Oro City.

Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan, sinabi ni Maj Gen Pablo Lorenzo, commander ng 5th ID na nakikisa sila sa advocacy na wakasan na ang ganitong pangyayari dahil hindi lang nasayang ang buhay at pangarap ng biktima maging ang mga sangkot sa pagmamaltrato.

Nilinaw ni Maj Gen. Lorenzo na maltreatment o pagmamaltrato at hindi hazing ang tawag nila sa nangyari kay Dormitorio dahil ang PMA ay hindi kagaya ng organization o fraternity na may itinatakdang lugar para sila ay magkikita-kita para sa pagkakataong maisagawa ang nangyayaring hazing.

Sa PMA aniya ay nakatira sa barracks ang mga kadete at naghihiwa-hiwalay lamang sila kapag pupunta sila sa paaralan para sa academic requirements.

May bahagi aniya ng training na pag-correct o pagwasto kung nagkakaroon ng hindi pagsunod ang isang kadete sa kanilang junior officer, superior at iba pang officer ngunit hindi ito dapat lumalampas sa itinakdang norms at standards ng academya

Para maiwasan ang ganitong pangyayari ay nasa squad leader ang dapat na pagmamanman dahil alam niya ang nangyayari at alam nila ang puwede at hindi puwede.

Gayunman, sinabi ni Brig. Gen Lorenzo na hindi lahat ng oras ay nababantayan ang mga upperclassmen kaya nagkakaroon ng kaso ng pagmamaltrato.

Pinakamabigat na parusa dito ay administrative discharge at suspension.

Ayon kay Maj Gen Lorenzo, ikinalulungkot nila ang pagbibitiw sa puwesto nina Lt Gen Ronnie Evangelista, superintendent ng PMA at Brig Gen Bartolome Bacarro bilang Commandant of Cadets na biktima ng critical stage ng kanilang military career.

Pinuri niya ang kanilang tapang at delicadeza na magbitiw sa puwesto dahil sa mga natanggap na pagbatikos kaugnay ng nangyari sa PMA.

Bago aniya ang kanilang paghaharap ng resignation ay inaksiyunan ang krisis sa PMA sa pamamagitan ng pagpapataw ng parusa sa administrative liabilities ng mga kadeteng sangkot sa pagmamaltrato kay Dormitorio.

Nakalulungkot aniya na may mga hindi sangkot sa pagmamaltrato na nadamay dahil sa command responsibility.

Ang criminal aspect aniya ay sinisiyasat ng PNP at umaasa siya na walang whitewash o pagtatakip para para parusahan ang mga tunay na nagkasala at mareporma ang sistema.