CAUAYAN CITY – Nagpadala na ng tropa mula sa iba’t ibang unit ang 5th Infantry Division Phil. Army na nakahimpil sa Gamu, Isabela upang tumulong sa search and rescue operation sa Itbayat, Batanes matapos ang magkasunod na malakas na lindol noong araw ng Sabado.
Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Major Noriel Tayaban head ng Division Public Affairs Officer ng 5th star Division, sinabi niya na matapos ang paglindol ay agad silang nagpadala ng isang platoon mula sa Philippine Marines, isang squad ng medical team mula sa Tactical operations Group 2 at ilang CAFGU na pinangungunahan ng 77th Infantry Batalion upang tumulong sa search and rescue operations sa mga naging biktima ng lindol sa Batanes, pangunahin sa Itbayat kung saan 9 katao na ang nasawi, at mahigit 60 tao ang nasugatan.
Aniya maliban sa mga nauna na nilang naipadalang tropa ay naka- standby na rin ang ilang tropa mula sa medical team ng 502nd Brigade, 17th infantry Batallion, medical team ng headquarters service batallion kung sakaling kakailanganin pa ang karagdagang pwersa.
Nakipag-ugnayan na rin ni Major General Pablo Lorenzo, Division Commander ng 5th Infantry Division Phil. Army sa iba’t ibang sangay ng pamahalaan pangunahin na sa Office of the Civil Defense para sa ikakasang operasyon.
Tiniyak rin niya na lahat ng kanilang tropa ay sumailalim sa pagsasanay sa medical capabilities bilang bahagi ng kanilang training.