CAUAYAN CITY – Handang-handa na ang 5th Infantry Division, Philippine Army upang tiyakin ang seguridad sa isasagawang filling ng Certificate of Candidacy (COC) sa Barangay at Sangguniang Kabataan Election (BSKE) 2023.
Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Major Rigor Pamittan, Chief ng Division Public Affairs Office (DPAO) ng 5th ID, sinabi niya na una na silang nagpulong kasama ang Lupon ng Halalaan para mailatag ang mga hakbang at paghahanda para sa seguridad katuwang ang iba pang mga ahensya ng pamahalaan at Philippine National Police (PNP).
Nag-abiso na rin ang militar sa publiko na ipapatupad na sa susunod na linggo ang election gunban.
Magkakaroon sila ng augmentation sa local police para sa karagdagang pwersa upang maipatupad ng maayos ang gunban.
Inaantabayanan na nila ngayon ang ibibigay na listahan ng COMELEC sa mga lugar na babantayan ng Armed Forces of the Philippines (AFP) habang wala pang naitatalang election hot spot sa kanilang nasasakupan.
Maliban sa gun ban ay hindi isinasantabi ng 5th ID ang extortion activities ng mga makakaliwang grupo sa Isabela partikular ang permit to win at permit to campaign kaya nakikipag-ugnayan sila sa mga lokal na pamahalaan at local police upang mamonitor ang extortion activities sa tulong na rin ng taumbayan sa pagbibigay ng impormasyon.