ROXAS CITY – Nagsilabasan ang mga empleyado ng Roxas City Hall at iba pang establisyemento sa lungsod kasunod ng pagyanig ng 6.2 magnitude na lindol na naramdaman rin sa lalawigan ng Capiz.
Sa panayam ng Bombo Radyo kay Engr. Reynaldo Antioquia ng Philippine Institute of Volcanology and Seismology (PHIVOLCS-Capiz), inihayag nito na naitala ang 6.2 magnitude na lindol sa San Julian, Eastern Samar.
Dahil dito ay naramdaman ang Intensity III sa lalawigan ng Capiz at kalapit nitong mga lalawigan.
Nabatid na maraming mga establisyemento ang inabisuhan ang kanilang mga empleyado na pansamantalang lumabas kasunod ng naramdamang lindol.
Maging ang mga staff ng Bombo Radyo at Star FM Roxas ay nagsilabasan rin dahil sa takot kasunod ng naturang pagyanig.