Naniniwala si House Speaker Martin Romualdez na ang naitalang 6.3 porsiyentong paglago ng ekonomiya sa ikalawang quarter ng taon ay nagsisilbing inspirasyon para lalo pang isulong ang patuloy na pag-unlad ng bansa at indikasyon na tama ang mga polisiyang pang-ekonomiya na ipinatutupad ng administrasyon ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” R. Marcos Jr.
Ito ang sinabi ni Speaker Ferdinand Martin G. Romualdez na nagpahayag din ng paniniwala na magpapatuloy ang pag-angat ng ekonomiya dahil sa kolaborasyon ng ehekutibo at lehislatura para mapaganda ang kalagayan ng mga Pilipino.
Kinilala rin ng lider ng Kamara ang kahalagahan ng naitalang paglago sa industry (7.7%) at services (6.8%) sectors sa paglikha ng mapapasukang trabaho at pagpapalakas ng lokal na ekonomiya.
Sinabi ni Speaker na ang pag-angat ng sektor ng industriya at serbisyo ay napakahalaga dahil nagbibigay ito ng maraming trabaho na importante sa ating pang-araw-araw na buhay.
Inihayag ng lider ng Kamara na ang patuloy na paglago ng mga sektor na ito ay patunay ng tiwala ng mga Pilipino sa ekonomiya at sa kinabukasan ng bansa.
Kinilala rin ni Speaker Romualdez ang paglago ng household consumption na tumaas ng 4.6%, isang patunay na mayroon umanong kumpiyansang gumastos ang mga konsumer.
Lumaki rin umano ang paggastos ng gobyerno ng 10.7%, na pagpapakita umano ng pagtupad ng pangako ng gobyerno na pagandahin ang serbisyo publiko at pagandahin ang mga pampublikong imprastraktura.
Ang construction sector ay lumago naman ng 16% na lumikha ng mga trabaho at naglatag ng pundasyon para sa pangmatagalang pag-unlad ng ekonomiya. Ang transportation (14.8%) at storage (10.5%) sectors ay nakapagtala rin ng pag-unlad.
Sinabi naman ni Speaker Romualdez na tutulong ang Kamara upang matulungan ang sektor ng agrikultura na nakapagtala ng 2.3% pagbaba sanhi ng El Niño phenomenon.
Ang pagbaba ng 4.2% ng export sector ay nanganhgahulugan din umano ng pangangailangan na palakasin ang global competitiveness ng bansa.
Muli ring inulit ni Speaker Romualdez ang pangako nito na makipagtulungan sa executive branch upang makapaglatag ng mga polisiya na magpapalakas sa ekonomiya ng bansa.
Nagpahayag din ng kumpiyansa si Speaker Romualdez sa patuloy na agumpay ng ekonomiya ng bansa at kakayanan ng mga Pilipino na malagpasan ang mga pagsubok.