-- Advertisements --

Patay ang anim na miyembro ng teroristang Abu Sayyaf group (ASG) sa dalawang magkahiwalay na engkwentro laban sa militar nitong nakalipas na weekend sa Sulu.

Ayon kay 11th ID at JTF Sulu spokesperson Lt Col. Gerald Monfort dahil sa impormasyon na ibinigay ng mga sibilyan nagkaroon ng mga serye ng labanan.

Ayon kay Monfort, napatay ang isang ASG member sa engkwentro noong Sabado sa Sitio Itum, Barangay Kabbun Takas sa Patikul.

Habang limang ASG members naman kabilang ang dalawang sub leaders ang nasawi sa labanan kahapon sa Sitio Huton Mahablo, Barangay Silangkan sa bayan ng Indanan.

Limang sundalo mula sa 32nd Infantry Battalion ang nasugatan sa unang engkwentro habang dalawang Special Forces personnel naman ang sugatan sa ikalawang engkwentro.

Ayon kay Wesmincom commander Lt. Gen. Cirilito Sobejana, ang pinaigting na military operations ay bahagi ng pagsusumikap na masagip ang British resort owner at asawa nitong Pilipina na dinukot ng ASG noong nakaraang buwan.

Narekober naman sa engkwentro ang samu’t saring mga armas na ginagamit ng teroristang grupo.

Narekober naman ng militar ang mga sumusunod, 1 M653 rifle, 1 Barret sniper rifle at isang caliber .45 pistol.

Tiniyak naman ni Maj. Gen. Corleto Vinluan Jr., commander ng JTF Sulu na magpapatuloy ang kanilang military pressure sa mga teroristang Abu Sayyaf.

“We will hunt you down one-by-one if you will not surrender. We will not stop until all of you are brought to justice,” pahayag pa ni Gen. Vinluan.