-- Advertisements --

LEGAZPI CITY – Hindi na nagawang maisalba ang buhay ng anim na taong gulang na batang lalaki sa bayan ng Caramoran sa Catanduanes matapos na malunod habang naliligo sa dagat.

Ayon kay Police Capt. John Michael Miraflor, hepe ng Caramoran PNP sa panayam ng Bombo Radyo Legazpi, nagpaalam lamang umano ang batang si Gene Jonel Bonifacio sa kanyang lola na si Dominga Torres na bibili ng halo-halo.

Lingid sa kaalaman ng matanda, inaya umano ito ng mga kaibigan at pinsan na magtungo sa Sitio Toytoy ng Brgy. Palumbanes upang maligo sa dagat.

Dakong alas-3:30 kahapon nang may bigla na lamang umanong may sumigaw ng saklolo para sa isang batang nalunod kaya’t laking paghihinagpis ni Lola Dominga nang makitang ang kaniyang apo.

Agad namang itinakbo ang bata sa pagamutan subalit idineklarang dead on arrival (DOA).

Nabatid na pumasyal lamang ang pamilya ng bata sa naturang bayan habang naninirahan ang mga ito sa kalapit na bayan ng Pandan.

Samantala, mahigpit naman ang paalala ng hepe sa mga magulang na maiging bantayan ang mga anak na naliligo sa dagat upang makaiwas sa mga kaugnay na insidente lalo na’t patok na pasyalan ang Palumbanes tuwing summer.

Naglatag na rin ng mga tauhan ang kapulisan para sa anumang concern at emergency response.