LEGAZPI CITY – Nagpapatuloy ang imbestigasyon ng kapulisan kung papano umabot sa pananaksak ang simpleng away ng dalawang bata sa Viga, Catanduanes.
Sangkot sa insidente ang isang 16-anyos na suspek at biktima na anim na taong gulang pa lamang.
Sa panayam ng Bombo Radyo Legazpi kay PCapt. Carlos Gales, hepe ng Viga PNP, isang araw matapos maireport na nawawala, saka pa lamang natagpuan ang bangkay ng 6-anyos na biktima.
May tama ito ng saksak sa harap at likod habang ikinabigla na mismong pinsan nito ang nasa likod ng krimen.
Pinaniniwalaang nagkaroon ng hindi pagkakaunawaan ang mga ito bago mauwi sa madugong pangyayari.
Sa ngayon ay nananatili ang menor de edad na suspek sa kustodiya ng Department of Social Welfare and Development (DSWD).
Samantala, nagpaalala naman ang opisyal sa mga magulang na bantayan ang kanilang mga anak upang maiwasan ang kaparehong insidente.