-- Advertisements --

CENTRAL MINDANAO – Anim katao ang nahuli ng militar sa isang drug den sa probinsya ng Maguindanao.

Ayon sa ulat ng 601st Brigade, tumanggap sila ng ulat ukol sa umano’y presensya ng mga armadong kalalakihan sa Brgy Butelin, Datu Salibo, Maguindanao.

Agad itong pinasok ng pwersa ng 57th Infantry Battalion Philippine Army katuwang ang Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA-BARMM) at pulisya.

Nahuli sa loob ng bahay ng isang alyas Baco ang anim katao at pawang may mga dalang armas na hanggang ngayon ay hindi pa isinasapubliko ang kanilang pagkakilanlan.

Nasamsam ng mga otoridad ang limang kalibre .45 na pistola, isang 9mm pistol, M1 carbine rifle, isang M1 garand rifle, shabu na nagkakahalaga ng P100,000 at mga bala.

Sa ngayon ay nakapiit ang mga suspek sa custodial facility ng PDEA-BARMM sa Cotabato City at nakatakdang sampahan ng kasong paglabag sa RA 10591 at RA 9165.