Sumuko sa tropa ng gobyerno ang anim na miyembro ng Abu Sayyaf group (ASG) sa Barangay Tagbak, Indanan, Sulu.
Kinilala ni Col. Giovanni Franza, commander ng 1102nd Infantry Brigade ng Philippine Army ang mga sumuko na sina Abral Samsidari, Marjin Basal, Alnajer Kaisal, Basir Lahan, Munil Jumarain at Padih Hamsari.
Ang mga sumukong bandido ay mga dating tauhan nina ASG leader Radulan Sahiron at ASG sub-leader Alhabsi Misaya at Almujer Yadah.
Isinuko rin nila ang isang bushmaster rifle, dalawang M1 garand rifles at isang hand grenade fragmentation.
Ayon kay Franza, nararamdaman na umano ang gumagandang kalidad ng buhay sa probinsya kaya pinipili ng mga bandido na magbalik-loob sa gobyerno.
“Nakakatuwa na mayroon na naman tayong mga kapatid na naliwanagan at napiling magbalik loob sa ating gobyerno. Ngayong araw, isa-isa namin silang kinausap para talagang malaman paano ba sila napunta sa ganoong klaseng sitwasyon,” pahayag pa ni Col. Franza.
Samantala, umabot sa 19 na Abu Sayyaf ang sumuko sa militar ngayon lamang buwan ng Agosto.
Pinuri naman ni Joint Task Force Sulu commander at 11th ID commander M/Gen. William Gonzalez ang mga sundalo at komunidad na naging bahagi sa pagbabalik loob ng mga dating rebelde.
“All in all, 19 ASG members came forward and formally surrendered to the government forces for this month of August. I am very grateful that the local chief executives are stepping up. We are all hand in hand in preparing these people to reintegrate to mainstream society,” pahayag pa ni Gen Gonzales.