CENTRAL MINDANAO-Agad na nagpaabot ng tulong si dating Board Member Rolly ‘Ur da Man’ Sacdalan sa mga biktima ng nangyaring sunog sa Purok 4, Barangay Lower Glad Midsayap Cotabato.
Naghatid ng tulong tulad ng pagkain, tubig, ilang kagamitan tulad ng damit at cash assistance si ‘Ur da Man’ sa anim na pamilyang apektado ng sunog.
Batay sa ulat ng BFP-Midsayap, tinupok ng apoy ang abot sa anim na mga kabahayan na pagmamay-ari ng pamilya Recel.
Maliban sa mga bahay, nadamay din sa sunog ang isang tindahan, isang motorsiklo at dalawang vulcanizing shop.
Malibis umanong kumalat ang apoy dahil gawa ang mga ito sa light materials o kahoy.
Nagtulong-tulong sa pag-apula nito ang mga kawani ng Bureau of Fire Protection o BFP sa Midsayap, Libungan at Pigcawayan at ang mga water tanker ng De Rose at Sunstone Construction.
Swerte namang nakaligtas ang mga apektadong pamilya pero dahil sa nangyari ay walang naisalbang gamit ang mga ito.
Nagpapasalamat ang mga biktima kay Sacdalan sa mabilisang pagtugon at pagbigay tulong sa kanila.
Patuloy naman ang kanilang panawagan ng tulong upang makapagsimulang muli matapos maabo ang lahat ng kanilang naipundar.
Samantala, patuloy pang inaalam ng BFP-Midsayap ang sanhi at kabuoang danyos ng nangyaring sunog.