-- Advertisements --

Ipinag-utos ni Manila Mayor Isko Moreno na isailalim ang dagdag pang anim na barangay sa apat na araw na lockdown simula Marso 17 upang mapigilan ang pagkalat ng COVID-19.

Ngayong araw nang lagdaan ni Moreno ang isang kautusan na ilalagay sa lockdown ang mga sumusunod na lugar:

Barangay 185, Zone 16, Tondo 2
Barangay 374, Zone 38, Sta. Cruz
Barangay 521, Zone 52, Sampaloc
Barangay 628, Zone 63, Sta. Mesa
Barangay 675, Zone 74, Paco
Barangay 847, Zone 92, Pandacan

Tatagal ang lockdown mula alas-12:01 ng madaling araw ng Miyerkules, Marso 17 hanggang alas-11:59 ng gabi ng Sabado, Marso 20.

Nitong buwan nang bigyan ng kapangyarihan ni Moreno ang Manila Barangay Bureau na magpatupad ng lockdown sa mga barangay na may 10 o mahigit pang aktibong kaso ng COVID-19.

Batay sa kautusan, ang Barangay 185 ay may 11 active COVID-19 cases; may tig-10 naman ang Barangay 374, Barangay 628, at Barangay 847; may 12 kaso naman sa Barangay 521; habang ang Barangay 675 ang pinakamarami na may 22 kaso.

Tiniyak naman ni Mayor Isko na hindi magugutom ang mga pamilyang maapektuhan ng lockdown dahil padadalhan nila ito ng mga food boxes.

Maliban dito, aatasan ng alkalde ang Manila Police District at mga opisyal ng barangay na paigtingin ang kaayusan at kapayapan sa mga lugar na ila-lockdown.

Habang naka-lockdown naman, ang Manila Health Department ay magsasagawa ng contact tracing at swab test sa ilang mga residente na nakasalamuha ng mga nagpositibo sa COVID-19.