CENTRAL MINDANAO-Pagod na at nais magbagong buhay ng walong mga rebelde na sumuko sa mga otoridad sa probinsya ng Cotabato.
Ang anim ay nagmula sa grupo ni Kumander Kagui Karialan ng Bangsamoro Islamic Freedom Fighters (BIFF-Karialan faction) at dalawa ay mga tauhan ng Dawlah Islamiyah Turaife Group.
Ayon kay 602nd Brigade Commander Colonel Jovencio Gonzales na sumuko ang mga rebelde sa tropa ng 90th Infantry Battalion Philippine Army sa pakipagtulungan ng LGU-Pikit Cotabato at pulisya.
Isinuko ng mga rebelde ang mga high powered firearms,mga bala,magasin,mga pampasabog at mga sangkap sa paggawa ng bomba.
Tumanggap ng paunang tulong ang mga rebelde mula sa LGU-Pikit na inabot mismo ni Mayor Sumulong Sultan.
Ang pagsuko ng mga armadong grupo ay bahagi ng Balik Loob Program ng pamahalaan.
Nagpasalamat si 6th Infantry (Kampilan) Division Chief at Joint Task Force Central Commander Major General Juvymax Uy sa mga tumulong sa mapayapang pagsuko ng mga rebelde.
Nanawagan si MGen Uy sa ibang BIFF at Dawlah Islamiyah Terror Group na imbes maghasik ng gulo ay sumuko na lamang at magbagong buhay kasama ang kanilang mga mahal na pamilya.