CENTRAL MINDANAO – Anim na mga terorista ang sumuko sa militar sa lalawigan ng Maguindanao.
Ang mga rebelde ay mga tauhan umano ni Kumander Bungos ng Bangsamoro Islamic Freedom Fighters (BIFF-Bungos faction).
Sumuko ang anim na BIFF sa tropa ng 6th Infantry Battalion Philippine Army sa Barangay Buayan, Datu Piang,m Maguindanao.
Nanguna si Datu Salibo Maguindanao Mayor Solaiman Sandigan sa pagpresenta sa anim na BIFF kay 6th IB commander Lt. Col. Charlie Banaag at Ist Mechanized Brigade commander Colonel Pedro Balisi.
Dala ng mga rebelde ang anim na mga matataas na uri ng armas sa kanilang pagsuko na kinabibilangan ng dalawang M16 A1 rifles, M14 rifle, tatlong caliber .30 garand rifles,mga bala at magazine.
Sumuko ang mga rebelde dahil sa pinaigting na focused military operation ng Joint Task Force Central sa Maguindanao at nais na rin nitong magbagong buhay.
Nanawagan naman si 6th Infantry (Kampilan) Division chief at Joint Task Force Central commander Maj. Gen. Juvymax Uy sa ibang BIFF na sumuko na at mamuhay ng mapayapa.