-- Advertisements --

CENTRAL MINDANAO – Sumuko sa tropa ng militar ang anim na mga miyembro ng Bangsamoro Islamic Freedom Fighters (BIFF) sa lalawigan ng Maguindanao.

Ang mga rebelde ay mga tauhan ni Kumander Karialan ng BIFF Karialan faction.

Ayon kay 6th Infantry (Kampilan) Division chief at Joint Task Force Central commander Maj. Gen. Juvymax Uy na sumuko ang anim na BIFF sa Ist Mechanized Brigade sa Barangay Kamasi, Ampatuan, Maguindanao.

Pagod na umano ang mga rebelde at gusto nang mamuhay ng mapayapa kasama ang kanilang mga mahal na pamilya.

Dala ng anim na BIFF sa kanilang pagsuko ang mga matataas na uri ng armas, mga bala, magazine at pampasabog.

Nagpasalamat naman si Ist Mechanized Brigade commander Col. Pedro Balisi sa mga lokal na opisyal na tumulong sa negosasyon sa pagsuko sa mga rebelde.

Hinikayat ni Gen. Uy ang mga rebelde na nagtatago sa batas na sumuko na at mamuhay ng mapayapa.