BAGUIO CITY – Inaasahang dadami pa ang pamilya ang sasailalim sa pre-emptive evacuation sa lalawigan ng Apayao dahil sa nararanasan ngayon doon na pagbaha at pagguho ng lupa dahil sa malakas na pag-ulan dulot ng buntot ng cold front.
Ayon kay Jeoffrey Borromeo, provincial disaster risk reduction management fficer, apektado ng pagbaha ang mga barangay ng Santa Filomena at Santa Elena sa Calanasan at mga barangay ng Turod, Zumigui, San Gregorio at Lappa sa Luna.
Sarado din aniya ang tatlong kalsada sa Apayao dahil sa pagguho ng lupa at agos ng putik.
Problema din ngayon doon ang mga baradong kanal at iba pang daluyan ng tubig at mga uma-apaw na ilog na nagdudulot ng nararanasang pagbaha.
Dahil dito, ipinag-utos na ni Governor Eleonor Begtang ang pagsasagawa ng dredging operation at sand bagging para maayos ang mga daluyan ng tubig.
Sa ngayon, limang pamilya sa Luna, Apayao ang lumikas na habang inaasahan nilang madadagdagan pa ang mga ito habang sinuspindi na ni Begtang ang trabaho ng Provincial Capitol, mga line agencies at klase sa buong Apayao.