ROXAS CITY – Nakapagtala ng ikalawang repatriated Overseas Filipino Worker (OFW) na positibo sa coronavirus disease (COVID-19) ang lalawigan ng Capiz.
Ito ay base sa inilabas na COVID-19 Case Bulletin No. 86 ng Department of Health (DOH) Regional Office 6.
Ang naturang pasyente ay may edad na 33-anyos, babae at residente ng Cuartero, Capiz.
Ayon sa Municipal Health Officer ng naturang bayan na si Winfred Rivera, nagmula sa Dubai ang naturang OFW at dumating sa Metro Manila noong Hunyo 8 na isinailalim sa real-time polymerase chain reaction (RT-PCR) test sa parehong araw at lumabas na negatibo sa naturang sakit noong Hunyo 12 kung kaya’t nakauwi ito sa lalawigan noong Hunyo 13.
Hunyo 15 nang muli itong isinailalim sa RT-PCR test at lumabas sa resulta na positibo ito sa naturang sakit.
Kinompirma pa ni Rivera na anim na buwang buntis ang naturang pasyente at maituturing na “asymptomatic” case o hindi nakitaan ng anumang sintomas.
Kaagad namang inilipat sa Roxas Memorial Provincial Hospital, ang provincial COVID-19 facility ang naturang pasyente.