CAUAYAN CITY – Itinuturing pa ring free zone ng Department of Agriculture (DA) Region 2 ang lambak ng Cagayan sa sakit na African Swine Fever (ASF).
Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Dr. Roberto Busania, regional technical director for operation and extension ng DA Region 2 sinabi niya na bagama’t kinumpirma na ni Sec. William Dar na positibo sa ASF ang mga namatay na ilang baboy sa Bulacan at Rizal ay wala pa silang naitatalang kaso rehiyon dos.
Aniya, mahigpit ang mga inilatag nilang checkpoint sa mga entry points sa rehiyon pangunahin na sa Nagtipunan sa Quirino, Kayapa at Sta. Fe sa Nueva Vizcaya; Sta. Praxedes sa Cagayan; Cordon at San Pablo sa Isabela gayundin sa mga airport at seaports.
Ito aniya ay upang matiyak na walang makakapasok na karne ng baboy sa rehiyon na galing sa mga lugar na apektado ng ASF dito sa bansa.
Kung mangailangan man aniya ng karne ng baboy o iba pang meat products ang rehiyon ay kailangang may dokumento ito na galing sa Bureau of Animal Industry.
Kung may kaukulang dokumento aniya ay isa-isang susuriin ang mga baboy at kung may makikitang nanghihina na at makakitaan na ng sintomas ng ASF ay hindi na papasukin sa rehiyon.
Sa Rehiyon 2 ay 91% ang backyard raisers habang ang papulasyon ng swine industry ay umaabot ng 457,000 na nagkakahalaga ng Php7,000,000.00
Kung maapektuhan aniya ang mga alagang baboy ng mga hog raisers ng ASF ay malaking dagok ito sa kanila kaya naman ginagawa nila ang lahat para maprotektahan ang rehiyon sa nasabing sakit ng baboy.
Ayon pa kay Dr. Busania, kaya mababa ang mortality rate ng ASF sa bansa ay dahil ang mga tinamaan lamang sa one kilometer raidius o tinatawag nilang quarantine zone ay ang mga backyard raisers.