Iniulat ng US military ang pagsira nito sa anim na military drones na umano’y ginagamit ng mga rebeldeng Houthi sa Red Sea.
Batay sa report ng US Central Command (CENTCOM), apat na nautical drones at dalawang aerial drone ang sinira sa katubigan ng Red Sea malapit sa Yemen.
Nakasaad sa report na ang mga sinirang drone ay ginagamit ng mga rebeldeng Houthi na palaging naglulunsad ng mga drone sa red sea bilang bahagi ng kanilang taktika sa pag-aatake sa mga commercial vessel na dumadaan sa naturang lugar.
Bago nito, iniulat din ng US Central Command na sinira nito ang isang ground control station na umano’y hawak ng mga Houthi sa Yemen.
Ang presensya ng US sa naturang rehiyon ay bahagi ng tugon nito sa sunod-sunod na mga pag-atake ng rebeldeng Houthi sa mga dumadaang barko sa lugar, kasama na ang gulf of Aden.
Kasunod ng mga pag-atake ng Houthi sa mga barko, inako na ng US at ng kaalayadong UK ang pagprotekta sa mga dumadaan na barko, kasama na ang sunod-sunod ding pag-atake sa rebelde.
Maalalang ang mga naturang rebelde rin ang itinuturong nagpalipad ng missile na tumama sa MV Tutor na kinalululanan ng 21 Filipinos. Isa sa kanila ang pinaniniwalaang namatay at nasa loob ng barko, nang tuluyan itong lumubog sa karagatan.