-- Advertisements --

CENTRAL MINDANAO – Pinaigting pa ngayon ng Joint Task Force Central ang pagtugis sa mga terorista sa North Cotabato at Maguindanao.

Target ng surgical strike ang grupo ni Shiek Esmail Abdulmalik alyas Kumander Abu Toraife ng Bangsamoro Islamic Freedom Fighters (BIFF-ISIS inspired group).

Maliban sa grupo ni Toraife tinutugis din ang anim na mga dayuhang terorista na umano’y kinakanlong ng BIFF.

Tuloy pa rin ang air to ground assault ng militar sa Liguasan Delta at SPMS Box sa Maguindanao.

Umakyat na rin sa 13 BIFF ang nasawi at marami ang sugatan, samantalang isang sundalo ang binawian ng buhay.

Lomobo na rin sa mahigit 300 pamilya ang lumikas sa hangganan ng North Cotabato at Maguindanao.

Nagpaabot naman ng tulong ang provincial government ng Maguindanao sa mga bakwit.