Nadagdagan pa ngayon ang bilang ng mga casualties sa hanay ng militar sa naganap na engkwentro sa Marawi City laban sa grupo ng teroristang Maute group.
Ayon kay AFP public affairs office chief Col. Edgard Arevalo, hanggang nitong hapon ng Miyerkules nakapagtala na sila ng anim miyembro ng tropa ng pamahalaan ang nasawi sa sagupaan habang 31 naman ang sugatan
Hindi naman tinukoy ni Arevalo kung sa nasabing bilang ng casualties ilan dito ang pulis at sundalo.
Tumanggi rin ang opisyal na kilalanin ang limang casualties dahil kanila pa itong ipinapaalam sa kanilang mga kamag anak.
Hanggang ngayon nagpapatuloy pa rin ang operasyon ng militar laban sa teroristang grupo.
Samantala, hindi pa rin matiyak ng militar ang bilang ng casualties sa panig naman ng Maute terror group dahil hanggang sa ngayon hindi pa rin mapasok ng militar sa pinagtataguan ng mga ito.
Batay kasi sa kuwento ng mga sundalo, may nakita silang miyembro ng Maute na natumba o napatay sa labanan.
Aminado si Wesmincom spokesperson Capt. Joanne Petinglay na armado ng matataas na kalibre ng armas ang teroristang grupo.
Tiniyak naman ni Petinglay na hindi magtatagal ay mapapasok din ng mga sundalo ang huling pinagkakanlungan ng mga suspek.
Bina-validate na rin sa ngayon ng militar ang sa ulat na may mga sibilyan din ang nasawi sa nasabing labanan.