-- Advertisements --

BAGUIO CITY – Patuloy ang mahigpit na pag-monitor ng Northern Luzon Command ng Armed Forces of the Philippines (AFP) at ng Police Regional Office Cordillera sa anim na aktibong pwersa sa tinaguriang Kilusang Larangang Guerilla (KLG) ng New People’s Army (NPA) sa Cordillera region.

Ayon kay Lt. Gen. Emmanuel Salamat, commander ng AFP-Northern Luzon Command, binabantayan nila ang mga aktibidad ng KLG – Leonardo Pacsi Command sa Ifugao, KLG Baggas Command sa Kalinga, KLG Marco Command sa Mt. Province, KLG AMPIS Command sa Abra at ng mga KLG fronts sa Apayao at Benguet.

Aniya, puntirya nilang malipol ang mga guerilla fronts ng mga rebelde na may operasyon sa rehiyon sa pamamagitan ng inilunsad nilang Joint Campaign Plan Kapanatagan 2019-2022.

Tututukan ng kampanya ang pagpapatibay ng inter-operability ng mga pulis at sundalo para sa paglilinis ng rehiyon mula sa mga rebelde.

Umaasa sila na mapapalakas ang kanilang opensa laban sa anumang karahasan o aksiyon ng mga rebelde.

Inihayag pa ni Gen. Salamat na gagawin nila ang lahat para masolusyonan ang local armed conflict sa Cordillera sa pamamagitan ng tapat na pakikipagtulongan nila sa mga lokal na pamahalaan.

Hinihiling din niya na suportahan ng mga Cordillerans ang anumang hakbang ng militar, pulisya at national government para masolusyonan ang local armed conflict na humahadlang sa pag-unlad ng isang rehiyon.