-- Advertisements --

BAGUIO CITY – Arestado ang anim na indibidual, kasama ang dalawang Chinese nationals na nagtangkang pumasok ng Baguio City gamit ang mga pekeng dokumento.

Ayon sa Baguio City Police Office – Station 9, resulta ito ng nahigpitang pagpapatupad nila ng border COVID-19 checkpoint.

Unang naaresto ng mga ito ang dalawang Chinese nationals at dalawang Pinoy drivers ng mga ito na lulan ng convoy na dalawang pick-up trucks.

Pinahinto ang mga ito para tignan ang mga dokumento ng mga pasahero kung saan wala silang ipinakitang travel authority at ang ipinakita lamang ay ang RT-PCR, immunology and serology result ng isa sa mga ito noon pang October 19.

Agad kinumpirma ng duty police ang mga dokumento sa Green City Medical Center at Cagayan Valley Medical Center na nag-issue sa mga dokumento ngunit nadiskobre na isa lang sa mga naaresto ang binigyan ng Green City Medical Center ng dokumento noon pang September 23 habang walang sinoman sa apat ng binigyan ng Cagayan Valley Medical Center ng anomang dokumento.

Sunod din na naaresto sa kaparehong checkpoint ang dalawang indibidual mula naman sa Mabalacat City, Pampanga lulan ang isang kotse matapos magpakita ang mga ito ng pekeng travel documents.

Sa pagkumpirma ng mga pulis, sinabi ng Jose B. Lingad Memorial General Hospital sa Pampanga na wala ang pangalan ng dalawa sa kanilang record.

Inamin ng dalawa na sila mismo ang nag-edit sa mga dokumentong kanilang ipinakita sa checkpoint.

Sa ngayon, nasa kustodiya na ng pulisya ang mga nasabing violators at mga sasakyan ng mga ito para sa kaukulang disposisyon.