-- Advertisements --
doj GUEVARRA
Justice Sec. Menardo Guevarra

Nakasentro raw ang review ng Department of Justice (DoJ) sa mga drug cases na kinasasangkutan ng mga pulis sa Visayas, Mindanao, Bicol at National Capital Region (NCR).

Ayon kay Justice Sec. Menardo Guevarra, nasa 6,000 drug-related cases ang nakatakdang i-review ng DoJ para malaman kung ang mga pulis na sangkot sa drug operation ay lumabag sa standard protocols.

Ang review ay base na rin sa utos ni Pangulong Rodrigo Duterte kasunod ng mga panawagang magsagawa ng imbestigasyon sa sinasabing mass killings sa mga drug suspects mula nang nagsimula ang kasalukuyang administrasyon.

Sinabi naman ni Justice Undersecretary Adrian Sugay, nagpahayag na rin daw ang Philippine National Police (PNP) ng kanilang kagustuhang makipag-cooperate sa review.

Dagdag ni Sugay, ang resulta ng kanilang imbestigasyon sa isasagawang review ay puwede raw gamitin ng International Criminal Court (ICC) sa kanilang isasagawang imbestigasyon.

Kasama na rin dito ang matrix ng 52 cases na na-review na ng DoJ at ipinasa sa National Bureau of Investigation (NBI) para sa case build up.

Bukas din umano ang resulta ng review sa lahat ng gustong makakuha nito para sa ano mang layunin.

Una rito, pinanindigan ni Pangulong Duterte na hindi ito makikipagtulungan sa imbestigasyon ng ICC sa mga drug-related killings.

Noong nakaraang buwan, pinayagan na ng ICC Pre-Trial Chamber na umpisahan ang imbestigasyon sa mga pagpatay sa bansa na iniuugnay sa anti-illegal drugs campaign ng pamahalaan.