ROXAS CITY – Tinangay ng 20 hindi pa matukoy na kalalakihan ang umaabot sa 6,000 na mga manok na nagkakahalaga ng P700,000 sa isang poultry farm sa Sitio Magalan, Brgy. Sagrada Familia, bayan ng Dumarao, Capiz.
Pinasok ang poultry farm at itinali ang kamay at paa ng bantay na si Jay-Ar Detorio, 25-anyos.
Lumalabas sa imbestigasyon ng Dumarao PNP na tulog si Detorio sa kanyang silid sa nasabing farm nang gisingin ng dalawang lalaking nakamaskara sabay ang pagtutok ng baril.
Habang tinatali ang kamay at paa ang helper ay narinig nito ang pagpasok ng dalawang trak sa poultry farm at ang ingay ng mga manok na kinarga sa trak.
Matapos maisakatuparan ng mga suspek ang planong pagtangay sa mga manok ay kaagad din itong umalis.
Kinaumagahan na nang makita ng manager ng poultry farm ang helper na nakatali kung saan kaagad nitong ipinagbigay-alam sa punong barangay ang pangyayari na siya namang nagreport ng insidente sa mga pulis.