KALIBO, Aklan – Anim na katao na pawang magkakamag-anak ang nasa mabuti nang kalagayan makaraaang masagip sa tumaob na bangka sa karagatang sakop ng Barangay Hibon, Nabas, Aklan.
Sa interview ng Bombo Radyo, sinabi ni Seaman Second Class (SN2) Elmer Asain ng Philippine Coast Guard (PCG)-Aklan na tumaob ang fishing banca na “Demar†sa nasabing lugar habang naglalayag mula sa Sitio Bolabog, Barangay Balabag sa Boracay at patungo sana sa Pio Duran, Albay.
Mabagbakasyon kasi sana ang mga biktima nang biglang hampasin ng malalaking alon at malakas na hangin na naging sanhi ng pagpasok ng tubig hanggang sa tuluyang tumaob.
Kaagad na rumesponde ang search and rescue unit ng Coast Guard Sub-Station Boracay, matapos makatanggap ng report mula sa isang Chana Mea Bartolome, hipag ng skipper o kapitan ng bangka na si Demar Hernandez.
Ayon kay SN2 Asain, pagdating sa lugar ay agad na inilipat ang mga nakaligtas sa inflatable boat ng PCG at dinala sa Caticlan jetty port habang ang lumubog na fishing boat ay hinila ng isang speed boat papuntang Barangay Caticlan.
Wala umanong nasugatan sa mga survivor na mga residente ng Barangay Balabag sa Boracay kasama ang dalawang bata na may edad na siyam at anim na taong gulang.