LAOAG CITY – Kinumpirma ni Governor Matthew Marcos Manotoc ang anim na kaso ng COVID-19 variant dito sa lalawigan ng Ilocos Norte.
Sa kanyang press briefing, ang tatlong pasyente ay residente dito sa Laoag, tig-isa sa bayan ng Solsona, Paoay at San Nicolas.
Nabatid na dalawang klase ng coronavirus variant ang nairekord kung saan dalawa sa kaso ang UK variant at apat na South African variant.
Inihayag naman ni Dr Norman Rabago, Provincial COVID-19 Consultant, nakarekobre na ang mga nasabing pasyente maliban lamang sa isang namatay na residente dito sa lungsod ng Laoag.
Ayon sa kanya, matapos nilang malaman ang resulta ng genome sample ay agad nilang nireview ang history ng mga pasyente at isinagawa ang contact tracing sa mga nakasalamuha nila hanggang sa 3rd generation contacts.
Sa ngayon, aabot sa 300 na contacts ng mga anim na pasyente ang sasailalim sa test at maisolate ang mga tertiary contacts.
Sinabi nito na hindi na umano kailangan na magpatupad ng lockdown sa mga bahay ng mga close contact ng mga covid variant pero may isasagawang house to house ang mga health experts para malaman kung mayroong symptomatic sa mga ito.