Nasa 6 na katao ang naaresto sa unang araw ng gun ban para sa 2025 midterm elections.
Ayon kay Commission on Elections (Comelec) chairman George Erwin Garcia, nakapagtala na ang kapulisan ng mga paglabag sa gun ban mula sa 5 lugar kabilang na sa may Buluan sa Maguindanao, Iloilo city, Malasiqui sa Pangasinan, Cainta sa Rizal at Cabanatuan city sa Nueva Ecija.
Ilan pa sa mga nadakip ay ang isang sundalo na nakadestino sa Philippine Army Aviation Regiment na si Private First Class Jude Lhuel Ordeniza matapos na walang maipresentang certificate of exemption na inisyu ng Comelec para sa kaniyang 9-mm pistol sakay ng kaniyang kotse nang dumaan ito sa checkpoint sa Cabanatuan city.
Sa panahon nga ng halalan na nagsimula kahapon, Enero 12 at magtatagal hanggang sa Hunyo 11, tanging ang personnel ng Philippine National Police (PNP), Armed Forces of the Philippines (AFP) at iba pang law enforcement agencies na gumagampan ng kanilang official duties at nakasuot ng kanilang uniporme ang pinapayagang magbitbit ng baril.
Habang suspendido naman sa naturang period ang anumang gun permit gaya ng permit to carry firearms outside of residence at letter and mission orders.
Ang mga nais na ma-exempt sa gun ban ay kailangang makakuha ng certificate of authority mula sa Committee on the Ban on Firearms and Security Concerns ng Comelec depende sa nature ng kanilang trabaho.
Itinuturing naman na isang election offense ang paglabag sa gun ban na may kaakibat na parusang pagkakakulong ng hanggang 6 na taon at diskwalipikason mula sa paghawak ng posisyon sa gobyerno dagdag pa sa parusa para sa ibang krimen na nagawa ng violator.
Kung dayuhan ang gun ban violator, ito ay ipapadeport matapos maisilbi ang kaniyang sentensiya para sa election offenses at hiwalay na kaso ng illegal possession of firearms at iba pang krimen kung meron man.