-- Advertisements --

Patay ang anim na katao sa sumiklab na sunog sa isang resort construction site sa Busan City, South Korea ngayong araw, Pebrero-14.

Batay sa report na inilabas ng Busan Gijang District Fire Department, nagsimula ang sunog kaninang 10:20 ng umaga (9:20 sa Pilipinas) at inabot ng ilang oras bago tuluyang naapula ng mga bumbero.

Umabot sa 100 mangagawa ang pwersahang inilikas mula sa lugar ng sunog habang 14 na katao ang kinailangang i-rescue gamit ang helicopter dahil na-corner ang mga ito sa itaas ng building na nasunog.

Matapos bahagyang mapahupa ang sunog, pinasok ng mga bumbero at rescuers ang building at natagpuan ang anim na kataong walang malay.

Dinala pa ang mga ito sa ospital ngunit tuluyan din silang idineklarang patay.

Maliban sa anim na nasawi, 25 katao ang napaulat na nasugatan.

Samantala, habang nasa kasagsagan ng rescue at firefighting operation sa naturang sunog, ipinag-utos naman ni SoKor acting president Choi Sang-mok ang pagdeploy sa lahat ng mga bakanteng personnel at kagamitan upang mapigilan ang paglala ng sunog at tuluyan itong maapula.

Patuloy pa rin ang imbestigasyon ng fire department sa pinagmulan ng sunog, kasama na ang pagbabantay sa kabuuan ng building.