LAOAG CITY – Kinumpirma ni Sangguniang Bayan Gil Buenavista sa Sta. Praxedes na anim ang naitalang pagguho ng lupa malapit sa boundary ng Ilocos Norte at Cagayan na bahagi ng kanilang bayan.
Ayon kay Buenavista, makapal na lupa o putik ang umaagos sa sa kalsada galing sa bundok kaya wala nang kahit anumang uri ng sasakyan ang makadaan.
Dahil dito, binilin umano ni Mayor Esterlina Aguinaldo na lahat ng mga stranded sa bayan ng Pagudpud ay bumalik na muna sa kanilang pinaggalingan.
Nag-abiso rin aniya ito na ang mga stranded naman sa kanilang bayan ay magtungo muna sa evacuation center para makapagpahinga at makakain habang nagpapatuloy ang clearing operation.
Nabatid na mayroon ding naka-standby na kasapi ng pulisya sa Sta. Praxedes para pabalikin ang mga biyahero at makaiwas sa anumang peligro.
Siniguro naman ni Buenavista na kompleto ang ayuda lalo na ang pagkain na naipamimigay sa mga na-stranded.
Dagdag nito na kahit delikado ang sitwasyon sa kanilang bayan ay nagpapatuloy pa rin ang clearing operation sa pamamagitan ng koordinasyon ng lokal na pamahalaan ng Pagudpud at Sta. Praxedes.