-- Advertisements --

LEGAZPI CITY – Nahaharap sa kasong paglabag sa Section 8 (2) ng Presidential Decree 1602 ang anim na empleyado ng lokal na pamahalaan ng Virac sa Catanduanes.

Hinuli ng mga otoridad sina Roman Valera, Eugenio Maroon Jr., Ronald Ong, Raul Clemente, Zaldy Olido at Nestor Evan Marquez, na naaktuhang naglalaro ng card game na Tong-Its sa loob ng kapitolyo.

Ayon kay P/Capt. Ariel Buraga, hepe ng Virac-Philippine National Police sa panayam ng Bombo Radyo Legazpi, matagal nang isinusumbong ng ilang concerned citizens ang pagsusugal ng mga ito sa gitna ng office hours.

Gayunman, pahirapan ang paghuli dahil nakatago sa powerhouse o malapit sa lalagyan ng generator ng provincial capitol.

Giit naman ng mga suspek na libangan lamang ang naturang sugal.

Nabatid pa mula sa hepe na karamihan sa mga nadakip ay casual employee habang isa ang may permanent position sa Provincial Agriculture Office.

Samantala, inirerekomenda ang P36,000 na piyansa sa bawat isa upang pansamantalang makalaya sa kaso.

Nagpaalala naman ang hepe sa mga politikong magtatangkang makialam sa kaso na tumulong na lamang sa paghahanap ng pera na ipampapapiyansa at bahala na ang pulisya sa legal process.