LA UNION – Nahaharap ngayon sa kasong paglabag sa Comprehensive Dangerous Drugs Act ang anim na lifeguards at surfers dahil sa paghithit ng mga ito ng marijuana sa dalampasigan ng Barangay Urbiztondo sa bayan ng San Juan, La Union.
Sa panayam ng Bombo Radyo kay Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) Regional Office-1 Spokeperson Bismark Bengwayan, sinabi nitong naaresto ang mga suspek dahil na rin sa tulong ng naninirahan sa naturang barangay.
Ayon kay Bengwayan, sinabi sa kanila ng mga residente na madalas na nagpa-pot session ang mga naarestong suspek sa naturang lugar.
Sa katunayan, nahuli sa akto ang mga suspek na humihithit ng marijuana kaya naaresto ang mga ito.
Nakumpiska mula sa anim na suspek ang umano’y natitirang marijuana at drug paraphernalia.
Samantala, nagpapasalamat naman si Bengwayan sa mga nakikipagtulungan sa kanilang tanggapan sa kampanya kontra iligal na droga lalo pa ngayon at naghahanda sila sa nalalapit na pagdaraos ng SEA Games.
Ang bayan ng San Juan sa lalawigan ang isa sa mga napiling lugar sa bansa para sa SEA Games kung saan magaganap ang surfing competition.